CAUAYAN CITY, Isabela – Nababahala ang mga nangangasiwa sa Magat Dam Hydroelectric Power Plant sa Ramon, Isabela na maaapektuhan ang operasyon dahil sa patuloy na pagbaba ng water level ng nakaimbak na tubig sa Magat dam reservoir bunga ng tagtuyot.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Melvin Eugenio ng SN Aboitiz na ang 166.20 meters na kasalukuyang water level ng Magat dam ay malapit na sa critical level na 160 meters at malayo na sa 186 meters na normal level nito.
Dahil dito ay inilunsad ng kompaniya ang cloud seeding operation katuwang ang Kagawaran ng Pagsasaka sa ikalawang rehiyon (DA Region 2) upang makalikha ng artipisyal na ulan para madagdagan ang tubig sa mga watershed areas.
Dalawang oras bawat araw ang gagawing cloud seeding operation sa tulong ng Chemtrad plane.
Sinimulan ito ngayong araw sa Bagabag airport sa Nueva Vizcaya dahil mas malapit ito sa watershed areas.
Ipinaliwanag ni Eugenio na malaking tulong ang cloud seeding operation sa mga magsasaka ngunit nakadepende sa formation ng ulap na babagsakan ng asin ang pagkaroon ng artipisyal na ulan.
Samantala, walang malaking epekto ang hiwalay na cloud seeding operation ng DA Isabela at Philippine Airforce mula noong January 27, 2010 hanggang sa kasalukuyan.
Nagiging balakid ang kawalan ng makapal na ulap na siyang paglalagyan ng asin upang makalikha ng artipisyal na ulan.
Sa pinakahuling cloud seeding operation sa San Mateo, Isabela at mga karatig na lugar, bago mabagsakan ng asin ang mga cloud formation ay tinangay na ito ng hangin kaya't nabalewala ang kanilang pagsisikap.
Umabot sa 7.8 flying hours ang ginugol ng PAF sa paglalagay sa mga ulap ng 50 sako ng asin at nagamit ang 1,200 liters ng gasolina.